top of page

K-PSEP

Find out about the professional and student organizations in the Philippines established to promote Values Education. Also, learn about international organizations and centers that provide seminars, training, scholarships, newsletters and projects related to Values/Character Education. Really inspiring!

  

K-PSEP

Kalakip Blg. 1 ng DECS Memorandum Blg. s. 1999

KONSTITUSYON NG KABATAANG SEKTOR NG PAMBANSANG SAMAHAN PARA SA EDUKASYON SA PAGPAPAHALAGA (K-PSEP)

ARTIKULO I

ANG SAMAHAN

Seksyon I. Ang samahan ay kikilalanin bilang Kabataang Sektor ng Pambansang Samahan para sa Edukasyon sa Pagpapahalaga (K-PSEP) na kinabibilangan ng mga kabataang mag-aaral sa antas sekundarya.

ARTIKULO II

BISYON, MISYON AT TUNGUHIN

Seksyon 1. BISYON. Ang K-PSEP ay isang pambansang samahan ng mga kabataang mag-aaral sa antas sekundarya na may mithiing maging tulay at gabay ng mga kabataan para sa pagpapaunlad ng sistema ng pagpapahalagang Pilipino tungo sa kapayapaan, kaayusan at kaganapan ng bansa at daigdig.

Seksyon 2. MISYON. Bilang tulay, ang misyon ng K-PSEP ay pag-ibayuhin ang pakikipag-ugnayan ng mga kabataan sa Dakilang Lumikha, sa kapwa, sa bansa, sa kalikasan at sa buong mundo.

Bilang gabay, ang K-PSEP ay magsisilbing inspirasyon at huwaran ng mga kabataan upang maging karapat-dapat ang mga ito na anak ng Dakilang Lumikha at ng bansa.

Seksyon 3. TUNGUHIN. Tunguhin ng K-PSEP na maging kabalikat at kaakbay ng Pambansang Samahan Para Sa Edukasyon sa Pagpapahalaga (PSEP, Inc.) para sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng pambansang programa ng Edukasyon sa Pagpapahalaga.

Ang mga layuning ito ay ang mga sumusunod:

3.1. Mapaunlad at mapalawak ang kaisipan ng bawat tao tungkol sa bisyon, misyon

at tunguhin ng samahan sa pamamagitan ng mga pagtitipon at talakayan

3.2. Magsagawa ng makabuluhang programa, proyekto at gawain upang

maisakatuparan ang mithiing maging tulay at gabay sa pagpapaunlad ng mga

pagpapahalaga

3.2 Makipag-ugnayan sa iba't-ibang organisasyon at ahensya (GOs, NGOs, COs)

upang sama-samang maisakatuparan ang layunin ng Edukasyon sa Pagpapahalaga

ARTIKULO III

PAGSAPI

Seksyon 1. Ang samahang ito ay bukas sa pagsapi ng bawat mag-aaral sa mga paaralang publiko o pribado sa antas sekundarya.

Seksyon 2. Ang kasapi ng samahan ay kinakailangang rehistradong miyembro na nakapagbayad ng "membership fee" sa paaralang sangay ng K-PSEP na kanyang kinabibilangan.

Seksyon 3. Lahat ng nagnanais na maging miyembro ng pampaaralang sangay ng K-PSEP ay kinakailangang magbayad ng P10.00 para sa mga mag-aaral na nasa haiskul.

Seksyon 4. Kung walang kinabibilangang organisadong pampaaralang sangay ng​ K-PSEP, ang mag-aaral ay maaaring magpatala sa pambansang samahan ng K-PSEP. Ang "membership fee" sa ganitong uri ay P50.00.

Seksyon 5. Kinikilala ang mga pangunahing miyembro (Founding Members) na nagpatala at dumalo sa unang kumbensyon ng K-PSEP na ginanap noong ika 18-20 ng Abril 1996 sa Baguio City at noong ika 10-12 ng Abril 1997 sa Zamboanga City.

Seksyon 6. Ang pangunahing obligasyon ng mga miyembro ay ang mga sumusunod:

6.1. Dumalo sa pangkalahatang pagpupulong at iba pang gawaing

pinamamahalaan ng pampaaralang sangay ng K-PSEP at ng pambansang samahan ng K-PSEP

6.2 Magbigay ng taunang bayad sa pampaaralang sangay ng K-PSEP sa halagang P10.00

6.3 Maghalal ng miyembro ng pamunuan ng K-PSEP

ARTIKULO IV

PAMPAARALANG SANGAY

Seksyon 1. Ang pampaaralang sangay ng K-PSEP ay magkakaroon ng sariling konstitusyon na tumutugon sa layunin at adhikain ng K-PSEP.

Seksyon 2. Matapos pormal na mabuo ang isang samahan at mahalal ang mga opisyal nito, kailangang gawin ang mga sumusunod: (a) magsumite ng petisyon upang mapabilang sa pambansang samahan at (b) magbayad sa pambansang samahan ng 50% ng pangkalahatang "membership fee" (P5.00 bawat miyembro) bilang taunang bayad.

Seksyon 3. Ang pampaaralang sangay ay maghahalal ng isang kinatawan (maaaring ang pangulo) para sa pambansang pamunuan na siyang magsisilbing tagapag-ugnay sa pagitan ng pamunuan at ng pampaaralang sangay.

Seksyon 4. Upang masubaybayan at matulungan ang pampaaralang sangay, kailangang ipabatid nito sa pambansang samahan ang kanilang mga proyekto.

Seksyon 5. Maaaring gumawa ng tuntunin at regulasyon ang pampaaralang sangay at ipatupad ito batay sa sa umiiral na batas ng pambansang pamunuan.

Seksyon 6. Ang pampaaralang K-PSEP ay gagawa ng batas at tuntunin alinsunod sa mga probisyon ng pambansang K-PSEP.

ARTIKULO V

PAMBANSANG PAMUNUAN

Seksyon 1. Ang pambansang pamunuan ng K-PSEP ay binubuo ng pangulo, pangalawang pangulo, kalihim, ingat-yaman, tagasuri, tagapagbalita, at siyam na "board member", at ang huling naging pangulo bilang "ex-officio".

Seksyon 2. Ang pambansang pamunuan ay magdaraos ng pulong tuwing may taunang pagtitipon at mga natatangi o kinakailangang pulong na itinakda ng pangulo ng K-PSEP sa pakikipag-ugnayan sa PSEP, Inc.

Seksyon 3. Ang pangunahing gawain ng K-PSEP ay:

3.1. Magsaayos ng nominasyon at magsagawa ng halalan

3.2. Magtakda ng mga programa, proyekto, at gawain batay sa bisyon, misyon at tunguhin ng pambansang samahan

3.3. Bumuo ng "working committee" at iba pang kinakailangang komite para

ipatupad ang mga tunguhin ng samahan

3.4. Gumawa at magpatupad ng mga tuntunin

3.5. Maglagak ng mga tuntunin sa mga bayad at alamin ang taunang gastos o badyet

3.6 . Iulat sa pambansang lupon ang umiiral na tuntunin at ang pinansyal na kalagayan ng samahan

3.7. Magkaroon ng lathalain

3.8. Suriin ang panukalang programa at proyekto ng paaralang sangay at ipatupad kung nararapat ang mga proyekto

Seksyon 4. Ang bilang ng korum ay naaayon sa pagpapasya ng pangulo at ibang opisyales sa panahon ng pagtitipon.

ARTIKULO VI

PAGHAHALAL AT HANGGANAN NG PAGLILINGKOD

Seksyon 1. Ang nominasyon ng mga pangalan sa pambansang pamunuan ay isasagawa isang araw bago ang halalan. Ang pangalan ng mga nominado ay ibibigay sa kalihim o sa komite na naatasan ng pamunuan.

Seksyon 2. Ang buong samahan ay maghahalal ng labinlimang miyembro para sa pambansang pamunuan sa pamamagitan ng paggamit ng balota.

Seksyon 3. Ang pamunuan ay ihahalal ng mga kasapi ng K-PSEP sa itinakdang lugar at oras sa panahon ng pambansang kumbensyon.

 

Seksyon 4. Ang bawat miyembro na naihalal sa pambansang pamunuan ay may karapatang bumoto minsan lamang sa halalan ng opisyales ng samahan na binubuo ng anim na opisyales para sa ehekutibong komite at siyam na lupon ng mga direktor. Ang boto ng kahalili ay di tatanggapin.

Seksyon 5. Ang nahalal na pamunuan ay manunungkulan sa loob ng dalawang taon at maaaring maihalal muli sa ikalawang pagkakataon.

Seksyon 6. Kapag nagkataon na ang posisyon ng pangulo ay nabakante, kaagad na papalit ang pangalawang pangulo upang ipagpatuloy ang nabakanteng posisyon. Ang iba posisyong nakabakante ay pupunan sa susunod na halalan. Ang opisyal na halalan ay maaaring idaos tuwing magkakaroon ng pambansang kumbensyon upang punan ang bakanteng posisyon ng pambansang pamunuan.

Seksyon 7. Ang K-PSEP ay magkakaroon ng tagapayo mula sa pamunuan ng PSEP, Inc. Siya ay manunungkulan alinsunod sa pamantayan ng PSEP, Inc.

ARTIKULO VII

TUNGKULIN AT KARAPATAN

Seksyon 1. Ang mga tungkulin at karapatan ng pamunuan ay ang mga sumusunod:

1.1 PANGULO

1.1.1 Siya ay pinuno ng K-PSEP.

1.1.2 Siya ang mangunguna sa lahat ng pagpupulong at usapin ng buong pamunuan.

1.1.3 Siya ang tagapamahagi ng mga gawaing pangpamunuan.

1.1.4 Siya ang kinatawan ng buong samahan para sa pakikipag-ugnayan sa mga pagpupulong ng iba't-ibang organisasyon.

1.1.5 Siya ay may kapangyarihang magtalaga ng mg programa, proyekto at gawain.

1.2 PANGALAWANG PANGULO

1.2.1 Siya ang tagapangasiwa sa gawain ng samahan

1.2.2 Siya ang pansamantalang magsasagawa ng tungkulin ng pangulo sa panahong wala ito.

1.2.3 Siya ang magiging kinatawan ng buong samahan sa pakikipag-ugnayan sa mga pagpupulong sa iba't-ibang organisasyon sa panahon na wala ang pangulo.

1.3 KALIHIM

1.3.1 Siya ang tagapagtala ng katitikan ng pagpupulong

1.3.2 Siya ang tagapag-ingat ng mga kasulatan ng samahan

1.3.3 Siya ang tagapag-ulat ng nakaraang usapin sa pagpupulong ng buong samahan

1.3.4 Siya ang gagawa ng opisyal na sulat ng samahan

1.3.5 Siya ang katuwang at kasama ng pangulo sa mga pagkakataong kinakailangan

1.4. INGAT-YAMAN

1.4.1 Siya ang mangangasiwa at mag-iingat sa seguridad ng pondo at anumang

salapi na may kinalaman sa samahan.

1.4.2 Siya ang tagapagtala ng lumalabas at pumapasok na pananalapi ng samahan.

1.4.3 Siya ang magsusumite ng taunang ulat-pananalapi at sa pagkakataong hinihingi ng pamunuan.

1.5 TAGASURI

1.5.1 Siya ang may tungkulin at karapatan na alamin at suriin ang lahat ng talaang pananalapi at iba pang ari-arian ng samahan tuwing mayroong pagpupulong.

1.6 TAGAPAGBALITA

1.6.1 Siya ang makikipagtalastasan at maghahatid sa mga kasapi at sa publiko ng mga impormasyong may kinalaman sa mga gawain ng samahan.

1.7 LUPON NG MGA DIREKTOR

1.7.1 Sila ang tagatulong sa lahat ng gawain ng samahan tulad ng:

  • Paggawa ng alituntunin

  • Paggawa ng mga desisyon ukol sa mga proyekto ng samahan.

  • Humalili sa pagkakataong may bakanteng posisyon ayon sa

  • napagkasunduan ng pamunuan.

ARTIKULO VIII

KWALIPIKASYON NG PAMUNUAN NG K-PSEP

Seksyon 1. Ang mga kwalipikado sa nominasyon sa pamunuan ng K-PSEP ay ang mga sumusunod:

1.1 Mag-aaral ng publiko o pribadong paaralan sa antas sekondarya.

1.2 Rehistrado at aktibong miyembro ng K-PSEP

1.3 May magandang asal

1.4 Rekomendado ng punong-guro o administrador

ARTIKULO IX

PANANALAPI

Seksyon 1. Ang lahat ng pananalapi ng pambansang K-PSEP ay mapapasailalim sa pambansang PSEP, Inc.

Seksyon 2. Ang lahat ng pondo ng K-PSEP ay idedeposito sa hiwalay na libreta de bangko. Ang pangulo ng PSEP at ang pangulo ng K-PSEP at tagasuri ang "signatories".

Seksyon 3. Ang lahat ng bayarin at pananalapi ay kinakailangang may karampatang dokumento na babayaran matapos aprubahan ng pangulo at ingat-yaman na pinatunayan ng tagasuri.

ARTIKULO X

TANGGAPAN AT SAGISAG NG SAMAHAN

Seksyon 1. Ang punong tanggapan ng K-PSEP ay matatagpuan sa tanggapan ng PSEP, Inc. sa Maynila.

Seksyon 2. Ang pambansang sagisag ng K-PSEP na ang disenyo ay naaayon sa napagkasunduan ng lupon ng pamunuan ay nasa pag-iingat ng pangulo o kalihim.

ARTIKULO XI

PAGBABAGO

Seksyon 1. Ang anumang pagbabago sa konstitusyon ay maaaring imungkahi ng komite o di kaya'y ng ikasampung bahagi o higit pa ng lahat ng kasapi ng samahan.

Seksyon 2. Ang iminumungkahing pagbabago ay nararapat na pagkasunduan ng karamihan ng kasapi na dumalo sa taunang kumbensyon.

PINAGTIBAY NG K-PSEP AT INAPROBAHAN NG PSEP, INC. NOONG ABRIL 12, 1997 SA ZAMBOANGA CITY.

bottom of page